December 1st, 2011

Unsex Me Here (may tugma’t sukat)

LADY MACBETH:

Ang uwak mismo’y namalat
Sa paglalahad ng ulat
Nitong madugong pagdaong
ni Duncan sa aking bubong.
Hali kayo kaluluwang
bantay ng aming haraya,
Hubarin ang kasarian
at ako’y inyong damitan
mula ulo hanggang paa
saplot ng kawalang-awa.
Ang dugo ko’y palaputin:
Barahan ninyo’t harangin
Daluyan ng alinlangan,
upang walang makahadlang
na anumang pagkahabag
sa nangingitim kong balak.
Sumuso sa aking dibdib,
ministro ng kamatayan
Gatas ko’y gawing mapait
Sa’n man kayo nag-aabang
Sa n’yong bulag na pag-iral
Pagkagat ng kasamaan.
Halina, gabing kulimlim
ikubli ako sa dilim,
sa sulasok ng impyerno,
ako ay iyong itago
upang hindi na matanaw
ng matalim kong balaraw
sugat nitong iguguhit
at nang di rin makasilip
ang lahat sa kalangitan
sa kumot ng kadiliman
at hindi makatangis ng:
“Tigil! Huwag! Sandali lang!

October 4th, 2011

Macbeth’s Dagger Speech (may tugma’t sukat draft 1)

Balaraw ba itong nasa’king harapan,

tinuturo ako ng kanyang hawakan? 

Halika, pahawak—

Di kita maangkin ngunit nar’yan ka pa.

Natatanaw lang ba at di nalalasap, 

Itong pangitaing hinain sa palad?

O balaraw ka ba sa aking isipan, 

isang panlilinlang na likha ng diwang

inapi ng init at ng alisangsang?

Natatanaw kita, sintalas, sintahas

nitong balaraw na aking ilalabas.

Inaakay mo’ko sa’king tatahakin,

at hawig mong punyal, aking gagamitin.

Mga mata’y tanga dahil sa pandama,

O sa mata lamang dapat magtiwala:

Nariyan ka pa rin!

Dugo sa patalim ay wala kanina!

Hindi ka totoo!

Madugo kong balak ang lumilikha

ng gan’tong deliryo.

Habang patay lahat sa hating daigdig,

Ginagahasa ng buhong panaginip

ang tagong pag-idlip; Mga mangkukulam

ay nagdiriwang sa alay ni Hecate;

Lantang Kamatayan, ngayo’y nagmumulto

Tangay ng alulong ng bantay n’yang lobo,

kasabay ng tiyak na hakbang ni Tarquin,

marahas na gapang patungong layunin.

Matatag na lupa, mabingi sa yapak,

huwag mong pakikinggan, kung saan tatapak

ayokong ibunyag ng bato at bitak

kung saan mang lubak paa ko’y tatahak,

Hubdin ang hilakbot na suot ng gabi—

Habang nagbabanta, siya’y naghahari;

Pinalalamig lang ng mga salita

itong nagniningas kong balak at gawa

[tutunog ang kampanilya]

Ako ay tawag na nitong kampanilya

Wag pakinggan, Duncan, ang iyong agunyas

na tawag ng langit, o kaya’y Satanas 

September 27th, 2011

Lady Macbeth’s “unsex me here” speech (draft)

Paos ang Uwak na humuhuni

ng madugong pagdaong ni Duncan

sa aking tahanan. Halina, mga demonyong

namamahala sa mortal naming dalumat,

hubdan ako ng kasarian 

at damitan, mula ulo hanggang paa,

ng nakapanghihilakbot na kalupitan;

palaputin ninyo ang aking dugo;

Daluyan at daan sa pagsisisi’y barahan

upang di mayanig ng pagdalaw ng alinlangan

ang maitim kong balak

at humadlang sa mga nais kong maganap!

Halina’t sumuso sa aking dibdib, mga ministro ng kamatayan. 

Pait ang aking gatas, 

saan man kayo sa inyong bulag na pag-iral nag-aabang ng malas. 

Halina, gabing kulimlim,

ikubli mo ako sa pinakamadilim na usok ng impiyerno

upang di masilayan ng matalim kong kutsilyo

ang sugat na iguguhit nito,

at nang di makasilip ang langit sa kumot ng karimlan 

at tumangis ng “Tigil! Sandali lang!”

Macbeth’s Dagger Speech (revised)

Balaraw ba itong nasa aking harapan,

tinuturo ako ng kanyang hawakan? Halika, pahawak—

Hindi kita makuha ngunit nariyan ka pa.

Nasisilip ka lamang ba at hindi nalalasap, pangitaing hain ng palad (tadhana)?

O isa kang balaraw ng diwa, panlilinlang na likha nitong

isipang inapi ng alisangsang?

Nariyan ka pa, sintahas nitong balaraw na aking inilalabas.

Inaakay mo ako tungo sa landas kong tatahakin,

at kawangis mong balaraw ang aking gagamitin.

Ginagawang tanga ang aking mata ng aking pandama,

di kaya’y mata lamang ang tanging mapagkakatiwalaan: Nariyan ka pa;

sa iyong talim at hawaka’y bahid ng dugo na wala riyan kanina.

Hindi ka totoo!

Itong madugo kong balak ang lumilikha ng ganitong deliryo.

Ngayon, sa kalahati ng daigdig, kalikasa’y patay

at hinahawi ng palalong panaginip ang mga tagong pag-idlip;

Ipinagdiriwang ng mga mangkukulam ang mga alay ni Hecate;

Tawag ng alulong ng kanyang lobo, mala-multong lumulutang ang lantang Pagpaslang,

kasabay ng tiyak at marahas na panggagapang ni Tarquin, 

patungo sa kanyang layunin. 

Tiyak at matatag na lupa, mabingi ka sa aking mga yapak,

huwag mong pakinggan kung saan ako tatapak,

natatakot akong ibunyag ng mga bato kung saan ako tatahak,

hubarin mo ang hilakbot sa katahimikang suot ng hatinggabi,—

habang ako’y nagbabanta, siya’y buhay; Pinalalamig lamang ng salita ang nagniningas kong gawa.

Hahayo na ako, ako’y tinatawag ng kampanilya.

Nawa’y di mo marinig Duncan sapagkat ito’y agunyas

na tumatawag sa iyo sa langit, o sa lungga ni Satanas.

September 23rd, 2011

Macbeth’s Tomorrow Speech

Ang Bukas, at ang bukas, at ang bukas

ay dahan-dahang gumagapang

nang walang direksiyon araw-araw

hanggang sa kahuli-hulihang kataga ng kasaysayan;

at nililiwanagan ng ating mga kahapon ang mga mangmang

patungo sa kanilang marusing na kamatayan.

Tigil na, maikling kandila!

Ang buhay ay naglalakad na anino;

isang aktor na nag-uubos ng oras sa entablado,

at di na masisilayang muli pagkatapos; isa itong kwento ng tanga,

puno ng ingay at poot, na wala namang katuturan.

Macbeth’s Dagger Speech

Gumagawa kami ngayon ng bagong pagsasalin ng Macbeth. Sa baba ang unang draft (halos transliteration) ng Dagger Speech ni Macbeth. Hindi ko pa ito pinag-iisipan at ineedit. Kumbaga sa piano piece, sight-reading ito. So heto ang aking unang sight-translate ng Dagger speech ni Macbeth. Abangan ang mala game of thrones meets sucker punch staging ko nito this december or february.

Balaraw ba itong nasa aking harapan,

tinatawag ako ng kanyang hawakan? Halika, pahawak—

Hindi kita makuha ngunit nariyan ka pa.

Hindi ka ba bangungot ng pandama tulad ng bangungot ng mata?

O isa kang balaraw sa dalumat, mapanlinlang na likha nitong

isipang inapi ng alisangsang?

Nariyan ka pa, sintahas nitong balaraw na aking inilalabas.

Inaakay mo ako patungo sa tatahakin kong daan,

at kawangis mong balaraw ang aking kagamitan.

Ginagawang tanga ng aking mata ang aking pandama,

di kaya’y mata lamang talaga ang aking kailangan: Nariyan ka pa;

sa iyong punyal ay bahid ng dugo na wala riyan kanina.

Hindi ka totoo!

Itong madugo kong balak ang lumilikha ng ganitong deliryo.

Ngayon, sa kabilang kalahati ng daigdig, kalikasa’y patay

at hinahawi ng palalong panaginip ang mga tagong pag-idlip;

ngayon, ipinagdiriwang ng mga mangkukulam ang mga alay ni Hecate;

Multong lumulutang ang lungayngay na pagpatay,

kasabay ang tiyak at marahas na paghakbang ni Tarquin,  

bantay ang alulong ng lobo patungo sa kanyang layunin.  

Tiyak at matatag na lupa, mabingi ka sa aking mga yapak,

huwag mong pakinggan kung saan ako tatapak,

natatakot akong ibunyag ng mga bato kung saan ako tatahak,

hubarin mo ang hilakbot na kapatid ng oras, na ngayo’y balot nito—

habang ako’y nagbabanta, siya’y buhay; Wika ng malamig na hininga sa nagniningas na gawa.

Hahayo na ako, ako’y tinatawag na ng kampanilya.

Nawa’y di mo ito marinig Duncan sapagkat ito’y agunyas

na tumatawag sa iyo sa langit, o sa lungga ni Satanas.