Macbeth’s Dagger Speech (may tugma’t sukat draft 1)
Balaraw ba itong nasa’king harapan,
tinuturo ako ng kanyang hawakan?
Halika, pahawak—
Di kita maangkin ngunit nar’yan ka pa.
Natatanaw lang ba at di nalalasap,
Itong pangitaing hinain sa palad?
O balaraw ka ba sa aking isipan,
isang panlilinlang na likha ng diwang
inapi ng init at ng alisangsang?
Natatanaw kita, sintalas, sintahas
nitong balaraw na aking ilalabas.
Inaakay mo’ko sa’king tatahakin,
at hawig mong punyal, aking gagamitin.
Mga mata’y tanga dahil sa pandama,
O sa mata lamang dapat magtiwala:
Nariyan ka pa rin!
Dugo sa patalim ay wala kanina!
Hindi ka totoo!
Madugo kong balak ang lumilikha
ng gan’tong deliryo.
Habang patay lahat sa hating daigdig,
Ginagahasa ng buhong panaginip
ang tagong pag-idlip; Mga mangkukulam
ay nagdiriwang sa alay ni Hecate;
Lantang Kamatayan, ngayo’y nagmumulto
Tangay ng alulong ng bantay n’yang lobo,
kasabay ng tiyak na hakbang ni Tarquin,
marahas na gapang patungong layunin.
Matatag na lupa, mabingi sa yapak,
huwag mong pakikinggan, kung saan tatapak
ayokong ibunyag ng bato at bitak
kung saan mang lubak paa ko’y tatahak,
Hubdin ang hilakbot na suot ng gabi—
Habang nagbabanta, siya’y naghahari;
Pinalalamig lang ng mga salita
itong nagniningas kong balak at gawa
[tutunog ang kampanilya]
Ako ay tawag na nitong kampanilya
Wag pakinggan, Duncan, ang iyong agunyas
na tawag ng langit, o kaya’y Satanas