Macbeth’s Dagger Speech (revised)
Balaraw ba itong nasa aking harapan,
tinuturo ako ng kanyang hawakan? Halika, pahawak—
Hindi kita makuha ngunit nariyan ka pa.
Nasisilip ka lamang ba at hindi nalalasap, pangitaing hain ng palad (tadhana)?
O isa kang balaraw ng diwa, panlilinlang na likha nitong
isipang inapi ng alisangsang?
Nariyan ka pa, sintahas nitong balaraw na aking inilalabas.
Inaakay mo ako tungo sa landas kong tatahakin,
at kawangis mong balaraw ang aking gagamitin.
Ginagawang tanga ang aking mata ng aking pandama,
di kaya’y mata lamang ang tanging mapagkakatiwalaan: Nariyan ka pa;
sa iyong talim at hawaka’y bahid ng dugo na wala riyan kanina.
Hindi ka totoo!
Itong madugo kong balak ang lumilikha ng ganitong deliryo.
Ngayon, sa kalahati ng daigdig, kalikasa’y patay
at hinahawi ng palalong panaginip ang mga tagong pag-idlip;
Ipinagdiriwang ng mga mangkukulam ang mga alay ni Hecate;
Tawag ng alulong ng kanyang lobo, mala-multong lumulutang ang lantang Pagpaslang,
kasabay ng tiyak at marahas na panggagapang ni Tarquin,
patungo sa kanyang layunin.
Tiyak at matatag na lupa, mabingi ka sa aking mga yapak,
huwag mong pakinggan kung saan ako tatapak,
natatakot akong ibunyag ng mga bato kung saan ako tatahak,
hubarin mo ang hilakbot sa katahimikang suot ng hatinggabi,—
habang ako’y nagbabanta, siya’y buhay; Pinalalamig lamang ng salita ang nagniningas kong gawa.
Hahayo na ako, ako’y tinatawag ng kampanilya.
Nawa’y di mo marinig Duncan sapagkat ito’y agunyas
na tumatawag sa iyo sa langit, o sa lungga ni Satanas.
-
nhiceyscribe reblogged this from juanekis
-
juanekis posted this